Linggo, Pebrero 23, 2025

Naibalik ang nawawala

NAIBALIK ANG NAWAWALA

sa nagpi-print, taospusong pasasalamat
naiwang USB ay nabalik ngang sukat
akala ko'y nawaglit na ang mga ulat
akala ko'y nawala na ang mga sulat

nagninilay ako't may bagong sinaliksik
tinunghayan ko ang naroong natititik
na nais kong ma-print agad sa pananabik
mga bagong leksyong sa utak isisiksik

at dinukot ko ang USB sa pitaka
nawawala, di ko na makita, lagot na
mabuti na lamang at aking naalala
baka nasa printing shop, babalikan ko pa

makalilimutin na ang tulad kong gurang
na nasa mahigit limampung taong gulang
sana, USB ay di nawalang tuluyan
nabalikan ko lang iyon kinabukasan

kung nawala, bagong USB ay bibilhin
natutulala ako't dagdag na gastusin
sa printing shop, naibalik iyon sa akin
at ang pasasalamat ko'y tumataginting

- gregoriovbituinjr.
02.23.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Naibalik ang nawawala

NAIBALIK ANG NAWAWALA sa nagpi-print, taospusong pasasalamat naiwang USB ay nabalik ngang sukat akala ko'y nawaglit na ang mga ulat akal...