Martes, Agosto 3, 2021

Pagbabasa

PAGBABASA

kayraming dapat basahing aklat-pampanitikan
na binili ko buwan o taon nang nakaraan
sayang kung di nababasa't naaalikabukan
at ngayong may lockdown, ito'y atupagin naman

naipong aklat ay di lang simpleng collector's item
nakatago o pandispley sa aklatang kaydilim
libro'y may buhay ding nakadarama ng panimdim
di tulad kong di agad pansin ang datal ng lagim

sa aklat ay kayraming kwentong makakasagupa
habang tayo'y minumulat ng mga manggagawa
may hinggil din sa kasaysayan ng lahi't adhika
at pagsakop ng mga makapangyarihang bansa

may klasikong akda hinggil sa bayani't pag-ibig
may mga pagtalakay din sa mga iyong hilig
pati kasaysayan ng digmaan at kapanalig 
at paanong mga kalaban ay pinag-usig

may akda hinggil sa sipnayan o matematika
may sulatin sa sikolohiya't pilosopiya
may mga kwento hinggil sa nakikibakang masa
anupa't bigyan din ng panahon ang pagbabasa

- gregoriovbituinjr.
08.03.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pakner sa paglaya ng inaapi

PAKNER SA PAGLAYA NG INAAPI Nobyembre 29 - International Day of Solidarity with the Palestinian People  minsan, pakner kami ni Eric pag may ...