Martes, Agosto 3, 2021

Lockdown ay panahon din ng pagrerebyu

LOCKDOWN AY PANAHON DIN NG PAGREREBYU

lockdown ay panahong mabalikan ang dating gawa
panahon ng pagrerebyu ng paboritong paksa
sipnayan o matematika, di na lamang tula
na kurso sa kolehiyo'y rebyuhin muling kusa

mga teorya'y itula, gawan din ng sanaysay
number theory, game theory, ating pagaaning husay
trigonometriya, dyeyometriya'y isalaysay
lalo't bahagi na ng pang-araw-araw na buhay

bumili man sa tindahan o sumakay man ng dyip
pagbibilang ng bayad at sukli na'y mahahagip
kahit sastre'y may metro nang damit ay di masikip
sa istraktura ng gusali'y inhinyerong isip

ikwento ang mga anekdota ng sipnayanon
o mathematician, anong ginawa nila noon
anong gamit sa pyramid, sukat na sukat iyon
light years ng mga buntala'y natukoy na rin ngayon

isa pang niyakap na misyon para sa daigdig
na sipnayan ay pagaanin lalo't ito'y hilig
nang sa hinaharap, estudyante'y may makakabig
at mga problema'y malutas nang di mabibikig

laksang numero at pormula, nakalulula ba
pag padron na'y naunawaan, nakahahalina
lalo na't matematika'y kapara ng mahika
sa isipang pag nalirip ay di na magtataka

- gregoriovbituinjr.
08.03.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pakikiisa sa mamamayang Palestino

PAKIKIISA SA MAMAMAYANG PALESTINO naritong nagpupugay ng taaskamao sa lahat po ng mamamayang Palestino sa  International Day of Solidarity w...