Biyernes, Abril 3, 2020

Soneto sa Haring Praning

O, HARING PRANING

O, Haring Praning, nakadroga ka na naman po ba?
Hirap ka na ba't nais mo pang patayin ang masa?
Ang magrali dahil sa gutom ba'y kasalanan na?
Rinig mo ba, Haring Praning, ang mga daing nila?

Ikaw ang nagsabing ang sarili'y i-kwarantina
Na gobyerno'y bahala sa pagkain at pag-asa
Gayong nauubos din ang pagkain at pasensya
Pagkat nagugutom na'y lumabas na ng kalsada

Ramdam mo rin ba ang gutom na dinaranas nila?
Ah, marahil hindi, kaya ganyan ka kung umasta
Nakaupo ka sa trono habang gutom ang masa
Ikaw ay bundat, sa gutom magkakasakit sila!

Ngayong nagpahayag lang sila'y papatayin mo na?
Galing mo, praning ka nga, sa trono'y bumaba ka na!

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kakanggata, pinakadiwa

KAKANGGATA, PINAKADIWA tanong sa palaisipan: Pinakadiwa dalawampu't siyam pahalang ang salita lumabas na sagot doon ay: kakanggata na ka...