Biyernes, Abril 3, 2020

Pagkatha habang nag-iigib

Pagkatha habang nag-iigib

kagabi, tatlong oras akong nag-igib ng tubig
apat na malalaking balde'y pinuno, humilig
muna sa tabi, kay-iingay ng mga kuliglig
habang kinakatha yaong pag-igib at pag-ibig

tubig ay isa o dalawang beses isang linggo
kung tumulo kaya dapat lagi nang magsiguro
sadyang kayhirap pag mawalan ng tubig sa gripo
kaya mag-antabay lagi pag tumulo na ito

ang pag-iigib ay panahon din ng pagninilay
kahit yaring mga bisig minsan ay nangangalay
sa palanggana't timbang maliliit maglalagay
din ng tubig at ito'y pupunuin ng mahusay

habang nakahilig ay nag-iisip ng kataga
sa bawat taludtod ay ano bang wastong salita
minsan nasa isip sinong halimaw ang gumiba
ng moog sa bundok ng naggagandahang diwata

o kaya, paano ang gutom ay palilipasin
o anong pipitasin, lulutuin, uulamin
pag kwarantina pala'y minsan ganito ang gawin
kumatha habang nasa panahon ng COVID-19

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kakanggata, pinakadiwa

KAKANGGATA, PINAKADIWA tanong sa palaisipan: Pinakadiwa dalawampu't siyam pahalang ang salita lumabas na sagot doon ay: kakanggata na ka...