Lunes, Disyembre 30, 2019

Paglalaba'y panahon ng pagkatha

paglalaba'y panahon ng pag-iisip ng akda
samutsaring isyu't problema'y suriin ng diwa
kukusutin ang kwelyo'y may sasaglit sa gunita
habang dumi ng manggas ay kinukusot nang kusa

nilagyan ng sabon ang damit bandang kilikili
habang nagkukusot, ang nasa diwa'y binibini
labandero man ako'y isang tunay na prinsipe
dadalhin ko sa kaharian ang mutyang babae

ang puti at dekolor ay dapat paghiwalayin
pati ang tula't pabula'y dapat ding pagbukurin
nasa barong kinukusot ang aking kakathain
nakintal sa diwa'y damit na gusot at gusgusin

kwento'y nalilikha kahit pawis na'y gumigiti
habang labada'y binabanlawan nang nakangiti
ako'y magbabarong sa aking pagtatalumpati
habang binibilad sa arawan ang barong puti

sa diwa'y nagsusulat kahit pa nasa bilaran
tula'y inuugit sa isipan, nagbabanlaw man
kakathang nakatitig sa makulay na sampayan
akda'y matatapos pag sinampay na'y maarawan

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...