Martes, Disyembre 31, 2019

Noon, tinagurian akong makata ng lumbay

noon, tinagurian akong makata ng lumbay
dahil tinula'y pawang katotohanan ng buhay
dahil pulos kasawian ang kinakathang tunay
dahil sa kawalang hustisya't sa bala nabistay
dahil maraming inakdang pahimakas sa patay

minsan, tinaguriang makatang proletaryado
dahil inilalahad ang niyakap na prinsipyo
dahil tinutula ang buhay ng dukha't obrero
dahil katha'y laban sa sistemang bulok sa mundo
dahil akda'y tumutuligsa sa kapitalismo

ang karaniwang taguri'y makatang aktibista
dahil tula karaniwa'y nagsisilbi sa masa
dahil nananawagang baguhin na ang sistema
ngayon, makata'y ikinasal, nakapag-asawa
kaya naging makata ng puso sa sinisinta

ang makata'y patuloy pa rin ngayong kumakatha
para sa kalikasan at kilusang lunting diwa
para sa manggagawa, ang hukbong mapagpalaya
para sa ipinaglalaban ng kilusang dukha
araw-gabi'y may akda, tumutula, kumakatha

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...