Sabado, Nobyembre 16, 2019

Itataas natin ang bandila ng katarungan

sige, tuligsain mo akong di hari ng lumbay
habang sa mga isyu't problema'y nakatugaygay
dama mo bang dapat ka ring maghimagsik na tunay
upang di magiba ang itinayo nating tulay

di dumadaloy ang ilog sa paanan ng lungsod
dahil pawang putik na't marami roong nalunod
makakapuno rin sa patak mula sa alulod
basta't mayroong malaki kang timbang nakasahod

sinuman ang mag-alay sa bayan ng dugo't pawis
pagkat ang paghihirap ng dukha'y di nila matiis
dapat kumilos upang kapitalismo'y magahis
at sa mga gahamang trapo'y huwag magpatikis

taas-noo tayong kikilos hanggang kamatayan
taas-kamaong makikibaka para sa bayan
itataas natin ang bandila ng katarungan
para sa pagbabago ng kinagisnang lipunan

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...