Miyerkules, Marso 13, 2019

Lugmok sa kawalan

lugmok na naman ako sa kawalan, di ko batid
kung bakit sa hangin ang diwa ko'y inihahatid
ng guniguning tila baga ako'y binubulid
sa banging anong lalim, sa kawalang di mapinid

animo ang sakit niya sa utak ko'y gumulo
nagugulumihanan sa kawalan ng sentimo
saan kukunin ang pang-operasyon ng misis ko
ang problema'y baka di makapagbayad sa dulo

madalas na ako ngayong tulalang naglalakad
buti't alisto pa ring di mabangga't napaigtad
nang sasakyan sa aking gilid ay biglang sumibad
tila baga ang iwing pagkatao'y naging hubad

mahirap ngang mangarap na buwan ang sinusuntok
ginhawa'y iniisip wala namang maisuksok
dapat magpakatatag sa kabila ng pagsubok
di dapat nakatunganga lang at basta malugmok

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...