Martes, Marso 12, 2019

Bakahin ang halibyong

BAKAHIN ANG HALIBYONG

Paano babakahin ang daluyong ng halibyong?
Maling balita'y nagkalat, pawang disimpormasyon
Masang nalilito'y tinambakan ng linggatong
Taktika ba ng mapanlinlang na administrasyon?

Mga pekeng balita'y dapat mawala sa bayan
Lalo't naglipana na ito sa ating lipunan
Bakahin ang halibyong para sa katotohanan
At ipaglaban bawat makataong karapatan

Sino bang kikilos kundi tayong naniniwala
Na itong kasaysayan ay di sinasalaula
Na di tayo nganganga lang pag may pekeng balita
Sa laksang halibyong ay dapat lagi tayong handa

Ang mga may pakana ng halibyong ay durugin
Panahon nang bawat halibyong ay labanan natin
Tayo'y magkaisa sa makatarungang layunin
Na katototohanan sa bawat balita'y hanapin

- gregbituinjr.

* HALIBYONG, taal na wikang Filipino, na ibig sabihin ay disinformation o fake news. Pagkukwento ng isang pangyayari subalit taliwas sa tunay na nangyari. ~ mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 426

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...