Linggo, Pebrero 1, 2026

Sa unang araw ng Pambansang Buwan ng Sining

SA UNANG ARAW NG PAMBANSANG BUWAN NG SINING

ngayon ko naalala't sa ulat nakita 
aba'y Pambansang Buwan ng Sining na pala
narito lang sa bahay, talagang abala
anumang tungkol sa sining, di nakapunta
ngunit ayos lang, may araw pa namang iba

buong araw kasing tinutukang totoo
ang pagle-layout ng susunod kong libreto
ng higit apatnapung tula't isang kwento
na ilulunsad sa a-Beynte ng Pebrero
na World Day of Social Justice ang petsang ito

kasabay ng Buwan ng Sining ilulunsad
ang libreto ng akdang hustisya ang hangad
tinipon kong sariling katha'y ilalantad
sa madlâ upang sabihing dapat umusad
ang sigaw ng hustisya, sa dugô man babad

ang literatura'y isa sa pitong sining
kayâ bawat kong pagtula'y isa ring sining
kahit ang pagtingalâ sa mga bituin
sa langit ay sining ng pagnilay sa dilim
kathâ ng kathâ, dama man ay paninimdim

- gregoriovbituinjr.
02.01.2026

* litrato kuha ng makatang galâ nang minsang magawi sa Mandaluyong

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nakatulog sa pagod si alagà

NAKATULOG SA PAGOD SI ALAGÀ nakita kong natutulog na sa gamit ko si alagang kaytagal nawalâ sa bahay mukhang pagod at nakatulog agad ito na ...