PANGARAP KO'Y SA LABAN MAMATAY
sakaling ako'y biglang mamatay
ayokong mamatay lang sa sakit
nais kong sa laban humandusay
binira, binara, o binaril
halimbawa, nabasag ang mukha
nagkabatuhan sa demolisyon
sa pakikibaka'y bumulagta
dahil tinutupad ko ang misyon
ayokong mamatay lang sa banig
ng karamdaman, ako'y tatayo
habang nakikipagkapitbisig
sa masang sa hirap na'y siphayo
nais kong matulad kay Eurytus
na buhay ay sa laban nagwakas
di matulad kay Aristodemus
na tumalima lamang sa atas
sabi, kapwa sila pinauwi
ni Leonidas dahil sa sakit
sa mata, sa harap ng tunggali
sa Thermopylae, sandata'y sukbit
sa historya, sila'y naging tanyag
si Eurytus ay naging bayani
si Aristodemus nama'y duwag
ako naman sa masa'y nagsilbi
- gregoriovbituinjr.
09.18.2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento