Lunes, Setyembre 1, 2025

Bansa ng 7,641 kapuluan

BANSA NG 7,641 KAPULUAN

mula pitong libo, isang daan at pitong isla
ang kapuluan sa ating bansa'y nadagdagan pa
pitong libo, animnaraan, apatnapu't isa
ayon sa bagong datos na nakalap ng NAMRIA

si Charlene Gonzales ay agad naalala natin
noong sa Miss Universe pageant siya ay tanungin
Ilan ang isla sa Pilipinas, na sinagot din
ng tanong, "High tide or low tide?" ang sagot ba'y kaygaling?

dagdag na limang daan, tatlumpu't apat na pulô
kapag taog ba o high tide ay agad naglalahò?
buti't mga bagong isla'y natukoy, naiturò
ng NAMRIA, bilang ng mga pulô na'y nabuô

limang daan tatlumpu't apat na pulo'y nasaan?
sa satellite images doon natin malalaman
nais kong marating ang mga bagong islang iyan
upang sa sanaysay, kwento't tula'y mailarawan

- gregoriovbituinjr.
09.01.2025

* ulat at litrato mula sa kawing na: https://www.facebook.com/share/1FrewfMduj/ 
* NAMRIA - National Mapping and Resource Information Authority, sentrong ahensya sa Pilipinas hinggil sa pagmamapa ng mga lupa sa bansa

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nais ko'y ukit na maso sa lapida

NAIS KO'Y UKIT NA MASO SA LAPIDA sakaling mamatay / ang makatang kapos ayoko ng daop / na palad o kurus kundi yaong masong / gamit ng bu...