TALUMPATI SA PEOPLE'S SONA
inaasahan nilang ang handog ko'y tula
subalit tinalakay ko'y isyu ng dukha
hawak ang mikropono'y aking binalita
ang bagong batas na tatama sa dalita
kung sa UDHA ay tatlumpung araw ang notice
bago maralita'y tuluyang mapaalis
sa N.H.A. Act, sampung araw lang ang notice
ahensya'y may police power nang magdemolis
noon, 4PH ang ipinangalandakan
sa ngalan ng dukha nitong pamahalaan
para pala sa may payslip at Pag-ibig 'yan
napagtanto nilang pambobola na naman
matapos magsalita, pagbaba ko sa trak
ilang lider agad sa akin kumausap
talakayan sa isyu'y inihandang ganap
sa bagong batas, dalita'y mapapahamak
minsan nga sa sarili'y naitatanong ko
ganito na nga ba ako kaepektibo?
o tatamaan sila sa nasabing isyu?
salamat, sa masa'y nailinaw ko ito
- gregoriovbituinjr.
07.28.2025
* ang RA 12216 (National Housing Authority Act o NHA Act of 2025) ay naisabatas noong Mayo 29, 2025
* di ko malitratuhan o mabidyuhan ang sarili sa pagtatalumpati, kaya narito'y bidyo ko habang nagwawagayway ng bandila ang iba't ibang samahang lumahok sa People's SONA
* nagsalita ako bilang sekretaryo heneral ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1F7YdSan7y/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento