Biyernes, Hunyo 20, 2025

Yaring puso wari'y hinihiwa

YARING PUSO WARI'Y HINIHIWA

yaring puso wari'y hinihiwa
ng pinong-pino, ng dusa't luha
sapagkat kay-aga mong nawala
kaakuhan ko'y di nakahanda

noong tayo'y nasa ospital pa
umaasa pa tayong dalawa
na gagaling ka pa't lalakas ka
matagal pa tayong magsasama

ay, di ko pa mapaniwalaang
ngiti mo'y di na masisilayan
kundi sa alaala't larawan
na lang, sinta, sa litrato na lang

animo nadaganan ang dibdib
ng sangkaterbang bato sa liblib
na ilog, ang sugat ma'y naglangib
ay balantukang sa luha'y tigib

- gregoriovbituinjr.
06.20.2025

Talasalitaan:
* langib - kusang takip sa sugat na gumaling
* balantukan - gumaling na sugat ngunit di pa naghilom ang loob kaya masakit pa rin

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Awit sa problemado

  AWIT SA PROBLEMADO ‎ ‎inawit noon ni Ka Freddie: "‎tawanan mo ang 'yong problema" ‎sabi ko, huwag lang tawanan ‎suriin, buon...