Huwebes, Mayo 29, 2025

Pahimakas kay Ka Freddie Aguilar

PAHIMAKAS KAY KA FREDDIE AGUILAR

bata pa lang ako nang marinig ko't mapanood
na nanalo sa internasyunal ang kanyang ANAK
sa Student Canteen yata iyon nang mapakinggan
nang premyadong pyesa'y inawit ni Freddie Aguilar

nineteen eighty eight noong ako'y magtungo sa Japan
bilang iskolar, on-the-job training, anim na buwan
pinadalhan ako ng cassette tape ng aking ama
ng mga kanta ng Boyfriends at ni Freddie Aguilar

nang pinatugtog ko sa pabrikang pinaglingkuran
ay gustong-gusto ng mga Hapon na manggagawa
ang melodiya o himig ng ANAK na narinig
at proud ako bilang Pinoy doon, nakakikilig

nang maglaon, nadagdagan ang liriko ng Anak
inspirasyon itong sa aking pagkatha'y nagtulak
kaya ako'y kanyang tagapakinig na masugid
bukod sa Anak, kayrami niyang kaygandang awit

dapat gawaran ng National Artist si Ka Freddie
ngunit noong nabubuhay pa'y di iyon nangyari
sa puso ng marami, siya na'y national artist
mga awit niya'y maipagmamalaking labis

paalam, Ka Freddie, taaskamaong pagpupugay
mga awit mo'y mananatili, di mamamatay 
sa tulad kong makata ay inspirasyon kang tunay
maraming salamat sa mga awit mong kayhusay

- gregoriovbituinjr.
05.29.2025

* litrato mula sa google

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Walang clue ang Fill-in Puzzle

WALANG CLUE ANG FILL-IN PUZZLE walang anumang pahimaton o clue sa Fill-in puzzle na sinagutan ko kaya gagamitan mo ng lohika paano lalapat a...