Miyerkules, Abril 2, 2025

Ngayong Araw ni Balagtas, nais kong magpasalamat

NGAYONG ARAW NI BALAGTAS, NAIS KONG MAGPASALAMAT

ngayong Araw ni Balagtas, / nais kong magpasalamat
sa lahat ng mga tulong / sa oras ng kalituhan
nang maospital si misis / sa matinding karamdaman
pinaaabot ko'y taos / sa pusong pasasalamat

hindi ko man matularan / ang idolo kong makata
subalit para sa akin, / bawat kathang tula'y tulay
tungo sa pakikibakang / sa tuwina'y naninilay
lalo't isyu't paksa iyon / ng manggagawa't dalita

di pa mabuti si misis / bagamat pumapasok na
sa trabaho bilang social worker sa kanilang opis
subalit ayon sa doktor, / rare case ang kaso ni misis
kaya pag-uwi ako'y nars, / at di pabaya sa kanya

kwarenta'y nwebeng araw nga / kami noon sa ospital
may tumulong, may inutang, / may isinanlang titulo
presyong tatlong milyong piso'y / di ko alam papaano
unti-unting babayaran, / presyong nakatitigagal

sa dalawang NGO nga'y / sinubukan kong mag-aplay
subalit di pa matanggap / ang tibak na laging kapos
ngayong Araw ni Balagtas, / pasasalamat ko'y taos
sa mga pusong dakila / sa tinulong nilang tunay

- gregoriovbituinjr.
04.02.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dalawang aklat na pumapaksa sa kalusugan

DALAWANG AKLAT NA PUMAPAKSA SA KALUSUGAN Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Pagkagaling ko sa ospital kanina nang dinalaw k...