Martes, Marso 18, 2025

Antok na rin ako tulad ni alaga

ANTOK NA RIN AKO TULAD NI ALAGA

antok na rin ako / tulad ni alaga
gabi na't pikit na / itong iwing diwa
naghihikab kaya / sa katre'y humiga
katawang pagod ko'y / ipahingang sadya

habang si alaga / ay pabiling-biling
sa higaan niya'y / doon na humimbing
ako'y antok ngunit / narito pang gising
nag-aalagata / ng mga pasaring

ako'y bagong kain / mahirap matulog
baka bangungutin, / utak ay maalog
habang nangangarap / pa rin ng kaytayog
buti si alaga't / agad nakatulog

mata ko'y pinikit / upang makaidlip
panay ang hikab ko't / di makapag-isip
marami mang isyu / yaong nalilirip
habang si alaga / ay nananaginip

- gregoriovbituinjr.
03.18.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1KDw5Y3H4a/ 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nais ko pang basahin ang 100 aklat

NAIS KO PANG BASAHIN ANG 100 AKLAT  nais ko pang basahin ang sandaang aklat  na pawang mga klasiko bago mamatay mga kwento't nobelang na...