Martes, Pebrero 4, 2025

Panaginip at alalahanin

PANAGINIP AT ALALAHANIN

madaling araw, madilim pa ang paligid
anong lamig na amihan ang inihatid
nagising sa gunitang di mapatid-patid
sa mata animo'y may luhang nangingilid

tila nalunod sa dagat, habol hininga
bunga ba iyon ng panaginip kanina
o iyon ay suliraning nasa dibdib na
habang sa isip may pag-asang nababasa

madaling araw, nais ko muling lumipad
na sa lupa mga paa'y di sumasayad
tawirin ang bundok o saanman mapadpad
habang natatanaw ang iba't ibang pugad

tahimik, dumaang awto lang ang maingay
bagamat dama sa puso ang dusa't lumbay
tanging nagagawa pa'y ang magnilay-nilay
at sa pagkatha ng kwento'y magpakahusay

- gregoriovbituinjr.
02.04.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Panaginip at alalahanin

PANAGINIP AT ALALAHANIN madaling araw, madilim pa ang paligid anong lamig na amihan ang inihatid nagising sa gunitang di mapatid-patid sa ma...