Martes, Enero 28, 2025

Pandesal at sudoku

PANDESAL AT SUDOKU

kay-aga kong nag-almusal
ng sudoku at pandesal
kasama'y nilagang tsaa
na ininom kapagdaka

agahan mang anong payak
ang labi'y napapalatak
sa pagputok nitong araw
ay natatanggal ang ginaw

sa sudoku nagsasagot
may pandesal na kaylambot
na nabiling sampung piso
sa panaderya sa kanto

at nag-ehersisyo na rin
bago pa ako kumain
kalusuga'y iniisip
kahit kayraming nalirip

anong paksang itutula
kaugnay sa maralita
ang dinastiya'y wakasan
ang trapo'y sa basurahan

- gregoriovbituinjr.
01.28.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Due process

DUE PROCESS "At ang hustisya ay para lang sa mayaman..." - mula sa awiting Tatsulok ng Buklod buti ang mayaman, may due process ka...