Sabado, Disyembre 7, 2024

Pagsulat, pagmulat, pagdalumat

PAGSULAT, PAGMULAT, PAGDALUMAT

nasa ospital man / tuloy ang pagsulat
tila yaring pluma / ay di paaawat
pagkat tibak akong / layon ay magmulat
lalo na't kayraming / masang nagsasalat

dapat nang baguhin / ang sistemang bulok
at sa sulirani'y / huwag palulugmok
dapat baligtarin / natin ang tatsulok
at ang aping dukha'y / ilagay sa tatsulok

wala nang panahon / upang magpagapi
sa mga problemang / nakakaaglahi
dapat ipaglaban / ang prinsipyo't puri
at dapat labanan / yaong naghahari

nadadalumat ko / ang pakikibaka
nitong manggagawa't / mga magsasaka
bulok na sistema'y / dapat baguhin na
karaniwang masa / ang ating kasama

tungo sa lipunang / may pagkakapantay
mundong makatao'y / layo nati't pakay
bagong sistema ba'y / ating mahihintay?
o kikilos tayo't / kamtin iyong tunay?

- gregoriovbituinjr.
12.07.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kakanggata, pinakadiwa

KAKANGGATA, PINAKADIWA tanong sa palaisipan: Pinakadiwa dalawampu't siyam pahalang ang salita lumabas na sagot doon ay: kakanggata na ka...