Huwebes, Nobyembre 28, 2024

Pagbabasa sa ospital

PAGBABASA SA OSPITAL

ikatatlumpu't pitong araw sa ospital
animo'y tahanan ng higit isang buwan
dito na naghahapunan, nag-aalmusal
nagbabawas, labahan, liguan, tulugan

umuwi akong bahay, saglit na lumabas
at ang aking mga libro'y agad kinuha
bumalik ng ospital at sa libreng oras
hanggang hatinggabi ako'y nagbasa-basa

kwaderno't panulat ay laging nakahanda
upang itala anumang nasok sa isip
sumagot ng palaisipan at tumula
paksa sa binasang aklat ay nililirip

lalo't ang pinayo ko sa aking sarili
basahin ang anuman, maging kasaysayan
baka may matutunan at magmuni-muni
habang nagbabantay pa rin sa pagamutan

- gregoriovbituinjr.
11.28.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...