Lunes, Oktubre 7, 2024

Mangingisda na nawala o mangingisdang nawala?

MANGINGISDA NA NAWALA O MANGINGISDANG NAWALA?

para bang kompyuter o kaya'y google ang nagsalin
kaya di mahusay ang gramatika pag suriin
parang di Pinoy kundi barok yaong tagasalin
sa aking puna, hingi ko'y pasensya, paumanhin

"mangingisda na nawala" ang sabi sa balita
mukhang artificial inteligence ang nagsalita
kung totoong Pinoy, tiyak "mangingisdang nawala"
o kaya sasabihin ay "nawalang mangingisda"

halatang pinasalin lang sa kompyuter ang Ingles
di pa kabisado ng A.I. kaya nagmimintis
kumbaga salita sa salita, di pa makinis
ang pangungusap, kahit teknolohiya'y kaybilis

kaya masasabi mong bano pa rin iyang A.I.
na sa balarilang Filipino'y di pa mahusay
ngunit hintay, sa ating pagpuna'y maghinay-hinay
baka balang araw, balarila'y batid nang tunay

sa panahong iyon, baka di na natin malaman
kung nagsalin ba'y Pinoy, A.I. o kaya'y dayuhan
tulad sa Terminator, robot na'y ating kalaban
at ang A.I., sa mundo na'y maghahari-harian

- gregoriovbituinjr.
10.07.2024

* ulat at litrato mula sa download sa pesbuk, 09.21.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mangingisda na nawala o mangingisdang nawala?

MANGINGISDA NA NAWALA O MANGINGISDANG NAWALA? para bang kompyuter o kaya'y google ang nagsalin kaya di mahusay ang gramatika pag suriin ...