Miyerkules, Marso 13, 2024

Wala mang like

WALA MANG LIKE

batayan ba ng kawalan ng kaibigan
ang isa, dalawa, o walang like sa pesbuk
kung pag-like nila ang isa nating batayan
kung di ka ba ni-like, ikaw ba'y malulugmok

mabuti't may payo si Pilosopo Tasyo
sa Kabanata Dalawampu't Lima, Noli
Me Tangere, pati rosas ay yumuyuko
sa hangin, kundi ito'y mababali, sabi

tanong pa ni Ibarra sa sinulat niyon
sa anyong baybayin o hiyeroglipiko
ani Tasyo, baka sunod na henerasyon
ang makakaunawa sa sulating ito

ang pesbuk ay repleksyon, di iyan ang buhay
kung walang mag-like, huwag sumakit ang loob
tula'y hilig, kahit dama mong tula'y tulay
sa masa, tuloy lang sa pagtulang marubdob

kaya wala mang mag-like sa katha kong tula
o walang kaibigan, di tayo iyakin
sakaling ako'y mababaon na sa lupa
ay baka doon lamang tula ko'y basahin

- gregoriovbituinjr.
03.13.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sali, salit, salita

SALI, SALIT, SALITA sumasali ako sa pagtula dahil iyan ang bisyo ko't gawa salitan man ang mga salita patuloy na kakatha't kakatha m...