Linggo, Marso 31, 2024

Timawa - Pataygutom o Malaya?

TIMAWA - PATAYGUTOM O MALAYA?

ang katanungan sa palaisipan: Dos Pababa
PATAY-GUTOM - anim na titik, ito'y ano kaya
KAWAWA, ALIPIN, ngunit sagot pala'y TIMAWA
gayong sa aralin noon, ang timawa'y MALAYA

nagbabago ang kahulugan ng mga salita
noon, ang timawa ay mga aliping lumaya
ngayon pag nanghingi ng limos, tawag na'y timawa
kahulugan nito'y nag-iba, paano't bakit nga

isang malaking tanong, nagbago nga ba ang wika?
o walang trabaho't kita ang aliping lumaya?
kaya nagpalaboy, sa lansangan gumala-gala?
naging gusgusin ang malaya ngunit walang-wala?

nakakatawa nga ba o tayo'y mapapaluha
ang pataygutom ay dating mga taong malaya
paano ba pumaimbulog ang mga kataga
sa pagdatal ng panahon, nagbago ng unawa

- gregoriovbituinjr.
03.31.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tutulan ang imperyalistang giyera!

TUTULAN ANG IMPERYALISTANG GIYERA! bakit natin dapat tutulan ang digmaang bunsod ng katakawan sa kapangyarihan na hangad manakop ng ibang ka...