Lunes, Enero 8, 2024

Sab-atan

SAB-ATAN

Nang magtungo kami ni misis sa Baguio City, at dumating doon ng madaling araw, kumain muna kami sa Sab-atan restaurant, Enero 8, 2024. Sinamahan ko siya sa Baguio upang gampanan niya ang kanyang transaksyon Balik agad kami ng Maynila kinabukasan dahil may pasok.

Ayon kay misis, ang sab-atan ay salitang Igorot sa tagpuan (noun) o nagkitaan (verb). Alam niya pagkat si misis ay mula sa Mountain Province. Iba pa ang dap-ayan na tagpuan din subalit ang dap-ay ay tumutukoy sa isang sagradong pook.

Naisip ko naman na ang sab-atan marahil ang pinagmulan ng salitang sabwatan minus w. Nang magkatagpo at magkita ay doon na nag-usap o nagpulong upang maisagawa ang anumang plano o gawain.

kumain muna kami sa Sab-atan
nang dumating madaling araw pa lang
nabatid kay misis ang kahulugan
Sab-atan ay Igorot sa tagpuan

salamat sa bago kong natutunan
na magagamit ko sa panulaan
ibahagi ang dagdag-kaalaman
upang mabatid din naman ng tanan

- gregoriovbituinjr.
01.08.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang mamahalin at ang mumurahing saging

ANG MAMAHALIN AT ANG MUMURAHING SAGING nakabili ako ng saging sa 7-11 pagkat nais ko'y panghimagas matapos kumain isa iyong lakatan suba...