Martes, Mayo 9, 2023

Pabale-balentong

PABALE-BALENTONG

pabale-balentong lang sila sa paghiga
mapikit lang ang mata, sila na'y bahala
nakita ko iyan sa mag-iinang pusa
na kung pagmasdan ko'y sadyang nakatutuwa

may mga kuting na sumususo ng gatas
may kuting na ang mga paa'y nakataas
may tila bagong gising at papungas-pungas
may sa nanay ay nakasampa't anong gilas

nagpahinga na sila matapos kumain
mananaginip muli ng mga bituin
pag nagutom na naman mamaya'y gigising
mga tira ko sa isda'y ipakakain

ganyan ang buhay ng mga kuting at pusa
madalas pagmasdan ng tagapangalaga

- gregoriovbituinjr.
05.09.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Yaman ng taas, galing lahat sa ibaba!

YAMAN NG TAAS, GALING LAHAT SA IBABA! pinanood ko ang kanilang pagtatanghal at napukaw ako sa kanilang liriko: "Yaman ng taas, galing l...