Biyernes, Mayo 12, 2023

KASUMARAN pala'y anibersaryo

KASUMARAN PALA'Y ANIBERSARYO

may katutubong salita pala tayo
sa wikang Espanyol na anibersaryo
ito ang KASUMARAN mula Sebwano
salitang taal na wikang Filipino

tara, gamitin natin ang KASUMARAN
sa mga petsang ating ipagdiriwang
sa Hulyo'y Kasumaran ng Katipunan
di ba, ayos, di naman pangit pakinggan

itaguyod ang katutubong salita
ipalaganap upang gamiting sadya
ang di raw magmahal sa sariling wika
ay higit sa hayop at malansang isda

ang mahalaga sa bawat nahagilap
na salita'y unawa't ipalaganap
gawin ito nang may buong pagsisikap
nang sa kalaunan ay gamiting ganap

- gregoriovbituinjr.
05.12.2023

* mula sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, p.591

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Makatang Pinoy

MAKATANG PINOY  kayraming makatang / dapat kilalanin kaya mga tula / nila'y babasahin pati talambuhay / nila'y aaralin upang pagtula...