Biyernes, Mayo 12, 2023

Huwag abutin ng dose oras

HUWAG ABUTIN NG DOSE ORAS

naritong dilaw na bigas mais
ay hinalo ko sa puting bigas
niluto kagabing alas-sais
nang mainin ay medyo matigas

di gaanong masarap ang lasa
baka ako'y nababaguhan lang
purong bigas mais din ay iba
subalit dapat nating subukan

ito raw kasi ay pampalusog
at panlaban sa anumang sakit
masarap pa rin naman ang tulog
bagamat nagigising malimit

alas-siyete nang mag-almusal
parang di na maganda ang kanin
tila mamasa-masa na naman
ngunit sayang, akin ding kinain

napagtanto ko sa mais bigas
upang di mapanisang totoo
di paabutin ng dose oras
ang bigas mais na niluto ko

o kaya'y kainin na kaagad
huwag maraming saing sa gabi
dahil magdamag na mabababad
ang kaning baka mapanis dine

- gregoriovbituinjr.
05.12.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Disyembre na naman

DISYEMBRE NA NAMAN ramdam ang simoy ng hanging amihan na tanda ba ng parating na ulan? Disyembre na, marahil kaya ganyan o  climate change ,...