Martes, Mayo 23, 2023

Batute

BATUTE

alagad nga ba ni Batute ang tulad ko
di pa, hindi, pagkat wala namang ganito
nagkataon lang, meron akong kanyang libro
na sa tuwina'y binabasa kong totoo

pananaludtod niya'y pawang makikinis
si Huseng Batute, matalas at mabilis
ang Hari ng Balagtasang walang kaparis
nang tinalo n'ya si Florentino Collantes

anong mababasa sa kanyang talambuhay
nalilipasan daw ng gutom, sabing tunay
di pansin ang pagkain, tula lang ang pakay
binutas ng ulser ang tiyan, kinamatay

O, Batute, kayrami mong pamanang tula
na nakaukit na sa puso nami't diwa
tula mong Bayan Ko'y kinakanta ng madla
inaawit din ang tula mong Manggagawa

taaskamaong pagpupugay, O, Batute!
kinalaba'y imbi, sa tula'y pinagwagi
nasa'y pagkakaisa, di pagkakahati
tunay kang inspirasyon ng madla't ng lipi

- gregoriovbituinjr.
05.23.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...