Lunes, Nobyembre 7, 2022

Layon ng makatang tibak

LAYON NG MAKATANG TIBAK

kathang tula'y upang / bigkasin sa madla
iyan ang layon ko / pag nagmamakata
isyung panlipunan / ay ipaunawa
sa uring obrero't / kapwa maralita

ano ba ang tula / para sa kanila?
na kapag may sukat/  at tugma'y sapat na?
mensaheng hatid ba'y / unawa ng masa?
prinsipyo't ideya / niya'y malinaw ba?

magmulat ang layon / ng makatang tibak
katulad kong ayaw / gumapang sa lusak
layon kong itanim / sa lupa't pinitak:
binhi ng pag-asa / sa mga hinamak

itula ang buhay / ng dukha't obrero
pag minuni-muni'y / kayrami ng kwento
ng pakikibaka't / kanilang prinsipyo
nasa'y karapata't / hustisya sa tao

patibayin nila / ang prinsipyong tangan
umaasang kamtin / yaong katarungan
igalang ninuman / bawat karapatan
ang armas ko'y tula, / kayo'y ano naman?

- gregoriovbituinjr.
11.07.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Huling kandilâ ngayong gabi

HULING KANDILÂ NGAYONG GABI huling gabi ngayon ng Undas at trabaho na naman bukas huling kandilâ ngayong gabi ay tahimik ko nang sinindi sub...