Linggo, Agosto 14, 2022

Salin ng "Old Man and the Sea" ni Ernest Hemingway

SALIN NG "OLD MAN AND THE SEA" NI ERNEST HEMINGWAY
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naisalin na pala ni Ginoong Jesus Manuel Santiago ang akdang "The Old Man and the Sea" ni Nobel prize winner Ernest Hemingway, na isang manunulat na Amerikano. Si Ka Jess ay hindi lang pala mang-aawit kundi translator o tagasalin din pala. Para ring pinagtiyap ang tagasalin at ang bida sa akda. Santiago ang apelyido ni Ka Jess, at Santiago rin ang pangalan ng pangunahing tauhan sa akda.

Nabili ko ang isinalin niyang aklat sa The Bookshop ng UP Hotel sa Diliman sa halagang P150.00 nito lang Hulyo 12, 2022. Ang aklat ay may sukat na 5 1/2" at 7 5/8" at may 100 pahina, ang 94 dito ay ang mismong teksto ng salin.

Pinagpaplanuhan ko sana itong isalin subalit naisalin na pala. At mabuti't aking nakita ang aklat na ito. Kung hindi ko pa nakita ito ay hindi ko pa malalaman na may nagsalin na pala nito. Tanong ko tuloy sa aking sarili, alin pa kayang akda ang hindi pa naisasalin? Ito'y upang hindi na magdoble-doble ang gawain. Bagamat hindi naman sayang dahil may sarili kang bersyon ng pagsasalin.

Ang nasabing aklat ay proyekto ng Aklat Bahandi, na ang logo ay makikita sa gawing taas-kaliwa ng pabalat ng aklat. Ayon sa aklat:

"AKLAT BAHANDI (KAYAMANAN)

Serye ng isina-Filipinong mga klasikang akda sa dayuhang wika at mga wika ng Pilipinas. Sa wikang Bisaya nagsimula ang "bahandi," ibig sabihi'y kayamanan. Tunay na ikayayaman ng ating kultura ang pagkakaroon ng salin sa wikang pambansa ng mga itinuturing na mahalagang panitikan ng daigdig at ng bansa. Inililimbag sa serye ang mga aklat na nagtataguyod sa pag-unlad ng pambansang panitikan mula sa ambag ng panitikan ng daigdig at mga rehiyon sa Pilipinas."

Gayunman, nakakailang ang ilang salin kung hindi mo makikita ang orihinal, at kung hindi mo alam ang kultura ng pinagmulan ng akda. May agam-agam ka tuloy kung tumpak ba ang pagsasalin. Tingnan ang pahina 2-3 nito kung saan nag-uusap ang bata at matanda:

"Santiago," sabi sa kanya ng bata habang umaahon sila sa pampang na pinagpunduhan ng Bangka.

"Pwede ba ulit akong sumama sa iyo. Kumita kami ng kaunti."

Ang matanda ang nagturo sa batang mangisda at napamahal na siya sa bata.

"Hindi," sabi ng matanda. "Nasa maswerte kang Bangka. Doon ka lang."

"Pero alalahanin mong noo'y walumpu't pitong araw tayong walang huli at pagkaraa'y araw-araw tayong nakahuli ng malalaki sa loob ng tatlong linggo."

"Natatandaan ko," sabi ng matanda. "Alam kong umalis ka hindi dahil nagdududa ka."

"Si Papa ang nagpaalis sa akin. Bata ako at dapat ko siyang sundin."

"Alam ko," sabi ng matanda. "Talagang ganyan."

"Kulang siya ng tiwala."

"Hindi," sabi ng matanda. "Pero meron tayo. Di ba?"

"Oo," sabi ng bata. "Pwede ba kitang ilibre ng beer sa Teresa at saka natin iuwi ang mga gamit."

"Bakit hindi?" sabi ng matanda. "Kapwa tayo mangingisda."

Sa pagbabasa pa lang sa pambungad na kabanata, naisip ko kung ano ba talaga ang salin ng "bata" sa orihinal na Ingles. Youth ba o child? Kung youth, tiyak isasalin iyon na "binata" o kaya'y "binatilyo" at kung child ay tama lang isalin na "bata". Subalit nagsabi ang bata kung pwede niyang ilibre ng beer ang matanda? Sa ating kultura, hindi pa pwedeng uminom ng beer ang bata. Pati na ang pagbili ng beer ng bata. Subalit kung ililibre lang niya ng beer ang matanda, ibig sabihin ba, matanda lang ang iinom ng beer at nanlibre lang ang bata? Medyo malabo.

O marahil, depende sa kultura ng lugar na iyon na pinapayagan nang bumili ng beer ang bata.

Gayunpaman, mas nais kong pagtuunan ng pansin ang ilang mahahalagang punto sa pambungad na pananalita na pinamagatang "Aklatang Bayan" sa ikatlong dahon ng aklat (pahina VI, bagamat walang nakasulat na gayon):

"Pinagtibay at ipinatupad sa UP noong 1989 ang isang Patakarang Pangwika na nagtatakda na Filipino ang maging pangunahing midyum ng pagtuturo. Hindi lamang ito pagtalima sa mga probisyong pangwika sa Konstitusyon. Pagkilala rin ito sa katunayan na sariling wika ang higit na mabisang kasangkapan ng edukasyon; at ang edukasyon na ginagamitan ng wikang naiintindihan ng nakararami ay paghawan ng landas tungo sa katarungang panlipunan."

"Ngunit hindi sapat ang isang Patakarang Pangwika para palaganapin ang wikang Filipino sa akademya. Kailangan ang mga kagamitang panturo, lalo na ang mga textbuk sa Filipino na magagamit ng mga guro at mag-aaral. Isinilang ang proyektong Aklatang Bayan para isulat at maglimbag sa wikang Filipino ng mga aklat sa iba't ibang disiplina."

"Ang pagsulat ng mga teksbuk ay nilahukan ng mga guro at iskolar sa iba't ibang disiplina gayundin ang mga manunulat at eksperto sa wikang Filipino. Sinusuportahan naman ang paglilimbag ng mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST), ilang maaasahang lider pampolitika ng bansa, at iba pang indibidwal na may pagmamalasakit sa pambansang wika."

"Mula nang simulan ang proyekto noong 1994, humigit-kumulang na may isang daang titulo na sa Aklatang Bayan. Hindi lamang ang dami ng mga nailimbag na libro ang ipinagkakapuri nito kundi ang kahusayan ng mga ito. Tumanggap ang ilan sa mga libro ng mga parangal at pagkilala mula sa iba't ibang samahan at institusyon. Noong 1997, pinarangalan ang Sentro ng Wikang Filipino bilang Publisher of the Year sa National Book Awards ng Manila Critic Circle."

"Inaasahan na sa pamamagitan ng Aklatang Bayan, mas mabisang maipupunla ang karununungan sa mga kabataang mag-aaral, gayundin ang komitment na maipalaganap ang gayong karunungan sa sambayanang Filipino. Tunay na alay ito ng UP sa bayan!"

At ito ang mas nakaengganyo sa akin: "Mula nang simulan ang proyekto noong 1994, humigit-kumulang na may isang daang titulo na sa Aklatang Bayan." Ano-ano kaya ang mga titulong naisalin na ng Aklatang Bayan? Dapat madali itong makita o available pag hinanap sa internet. Kung noong 1994 ay nasa isang daan na ito, ngayong 2022 ba ay nasa limang daan na ito o higit nang isang libo?

Dahil may ilang klasikong akda ang nais kong isalin sa wikang Filipino. Na gagawin kong proyekto bilang manunulat na buong buhay kong isasalin. Subalit kung naisalin na pala nila, aba'y doble-doble pala ang trabaho. Naisalin na nila, tapos isasalin ko pa dahil hindi natin alam na naisalin na pala iyon. Baka mapagbintangan pa tayong inaangkin ang dating isinalin na pala. Ang ganansya na lang ay may sarili akong bersyon ng salin.

Kaya ano ang dapat gawin? Aba'y hanapin sa talaan ng Aklatang Bayan, na dahil binabanggit ang "pinarangalan ang Sentro ng Wikang Filipino bilang Publisher of the Year" at Tunay na alay ito ng UP sa bayan!" sa pambungad na pananalita, ang Aklatang Bayan ay nasa SWP ng UP. Marahil, gagawa ako ng liham sa Direktor ng SWP upang malaman kung anu-ano na ba ang mga naisalin na nilang aklat sa wikang Filipino. Kailangan ko itong bigyan ng panahon.

Pansinin kaya nila ang aking liham? Sino ba ako para magsalin ng akda, gayong hindi naman ako propesor o mula sa akademya? Bagamat may mga naisalin na akong ilang akda, na ang pagsasalin ay naging tungkulin ko na dahil kailangang isalin ang ilang dokumento, pahayag, at paninindigan ng samahan o organisasyon. Nakapagsalin na rin ako ng mga tulang banyaga.

Ah, pagbabakasakali. Oo, magbabakasakali ako upang maituloy ko ang proyekto kong pagsasalin kung wala sa talaan nila ang klasikong akdang nais kong isalin. Dapatwat, syempre, sa ngayon, hindi ko sasabihin sa kanila kung ano ang balak kong isalin. Sana, makakuha ako ng talaan ng mga naisalin nang akdang banyaga sa wikang Filipino. Nais mo bang tumulong? Ngayon pa lang, nagpapasalamat na ako.

Agosto 14, 2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...