Biyernes, Agosto 5, 2022

Mga dapat pang saliksiking akda ni Jacinto



MGA DAPAT PANG SALIKSIKING AKDA NI JACINTO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa marker ng Bantayog ni Gat Emilio Jacinto sa Magdalena, Laguna ay ganito ang nasusulat:

EMILIO JACINTO
1875 - 1899

   REBOLUSYONARYO AT BAYANI. ISINILANG SA TONDO, MAYNILA, 15 DISYEMBRE 1875. NAG-ARAL SA KOLEHIYO NG SAN JUAN DE LETRAN AT UNIBERSIDAD NG STO. TOMAS. UMANIB SA KATIPUNAN NA MAY PANGALANG PANDIGMA NA PINGKIAN AT NAGING KALIHIM NG SAMAHAN, 1894. SUMULAT NG "KARTILYA," "KATIPUNAN NANG MGA A.N.B. - SA MAY NASANG MAKISANIB SA KATIPUNANG ITO." ISA SA MGA NAGTATAG NG "KALAYAAN," ANG PAHAYAGAN NG KATIPUNAN, 1896. KASAMANG SUMALAKAY SA SAN JUAN DEL MONTE UPANG KUBKUBIN ANG EL POLVORIN  BILANG PAGSISIMULA NG MALAWAKANG PAGHIHIMAGSIK LABAN SA MGA ESPANYOL, 30 AGOSTO 1896. HINIRANG NI BONIFACIO BILANG PUNONG HUKBO SA HILAGA. PINAMUNUAN ANG LABANAN SA MAIMPIS, MAGDALENA, LAGUNA KUNG SAAN MALUBHA SIYANG NASUGATAN, 27 PEBRERO 1898. MAY AKDA NG "GISING NA, MGA TAGALOG," (1895); "SA BAYANG TINUBUAN" (1896); "A LA PATRIA" (1897); "LIWANAG AT DILIM" AT IBA PA. YUMAO SA STA. CRUZ, LAGUNA, 16 ABRIL 1899.

Nabanggit sa nasabing marker ang mga akdang "Gising na, mga Tagalog," "Sa Bayang Tinubuan," "A La Patria", "Liwanag at Dilim", at iba pa. Mayroon na akong kopya ng "A La Patria" na tula niya sa Espanyol na isinalin ko sa wikang Filipino noong 2012, at ang "Liwanag at Dilim". Subalit wala pa ako ng kanyang mga akdang "Gising na, mga Tagalog" at "Sa Bayang Tinubuan" na nais kong masaliksik at balang araw ay maisama sa mga saliksik para sa parating na ika-150 kaarawan ni Jacinto sa 2025.

Sa pahina 24 naman ng aklat na "Buhay at Mga Sinulat ni Emilio Jacinto" na tinipon ni Jose P. Santos, anak ni Epifanio delos Santos, ay ito ang nakasulat:

"Sa mga tula niya sa kastila ay walang napahayag kundi ang A La Patria, na gaya ng binanggit ko na sa unang kabanata nito ay itinuturing ng lalong matatalinong manunuri natin na hindi alangan iagapay sa Huling Paalam ni Dr. Rizal. May tatlo o apat na mahuhusay na tula pa siyang sinulat sa wikang kastila, isa na riyan ang handog sa kanyang ina at pinamagatang "A Mi Madre."

Bukod sa A la Patria ay may "tatlo o apat na mahuhusay na tula pa siyang sinulat sa wikang kastila" na dapat pang masaliksik, at maisalin din sa wikang Filipino.

Inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective ang ilan kong saliksik hinggil sa akda ni Jacinto noong 2008 sa tulong ng KAMALAYSAYAN. At muli itong inilathala noong Oktubre 2015, ilang araw bago ako pumalaot sa ibang bansa tungo sa isa na namang Climate Walk (Nobyembre 7, 2015 nang umalis sa bansa patungong Pransya). Dumating ako rito eksaktong araw ng ika-140 kaarawan ni Jacinto, Disyembre 15, 2015.

Ito ang nilalaman ng unang talata ng Paunang Salita na may petsang Oktubre 17, 2015 na sinulat ko para sa ikalawang paglathala ng nasabing aklat:

"Ngayong 2015, dalawang pangyayari ang isinaalang-alang ng inyong lingkod upang muling ilathala ang aklat na ito. Una, namayapa na ang manunulat at gurong si Ginoong Ed Aurelio C. Reyes (Mayo 10, 1953 – Hunyo 30, 2015), na siyang nagyaya akin sa gawaing kasaysayan. Siya ang pasimuno't isa sa tagapagtatag ng KAMALAYSAYAN (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan bilang paghahanda sa Sentenaryo 1896, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Unang nailimbag ang aklat na ito noong Disyembre 2008 sa tulong ni Ginoong Reyes. Ang muling paglathala nito'y bilang pag-alala sa kanya. Ikalawa, nalalapit na ang ika-140 kaarawan ni Gat Emilio Jacinto (Disyembre 15, 1875 - Abril 16, 1899). Ang aklat na ito'y bilang pagpupugay sa kanyang kadakilaan, ambag sa himagsikan at panitikan, at ang mga naiwan niyang aral ay magandang pundasyon sa pagpapakatao't pagtatatag ng bansa."

Bilang paghahanda naman sa ika-150 kaarawan ng bayaning Jacinto sa Disyembre 15, 2025, marami pang akda ni Jacinto ang dapat kong masaliksik mula sa mga nabanggit ko sa itaas. Ito'y ang "Gising na, mga Tagalog," "Sa Bayang Tinubuan", ang nasa wikang Espanyol na "A Mi Madre" at ang "tatlo o apat pang tula sa wikang kastila" na nais ko ring isalin sa wikang Filipino. Mga akdang marapat masaliksik at maipabasa sa mga susunod na salinlahi. Mga akda niyang hindi ko pa nakikita upang mabasa, maisalin sa sariling wika, at mailathala.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...