Huwebes, Mayo 26, 2022

Inuman

INUMAN

naroon ako sa tunggaan
at nakipagbalitaktakan
ng ideya ng kasawian,
ng kasiyahan, ng kawalan

habang kabalitaktakan ko'y
kung anu-anong binabato
aba'y di naman bote't baso
kundi ideya sa diskurso

bakit ba puso'y nangangatal
pag nakita'y dalagang basal
bakit may nagpapatiwakal
sa pag-ibig nagpakahangal

patuloy ang aming pagtungga
nang paksa'y mapuntang kaliwa
na makatao ang adhika
ang kanan ba'y pasistang sadya

ang tanggero'y nawiwili rin
sa marami naming usapin
bago mag-uwian, nagbilin
bayaran ang ininom namin

- gregoriovbituinjr.
05.26.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang masamang asal ng nasa political dynasty

ANG MASAMANG ASAL NG NASA POLITICAL DYNASTY sadyang sa hayop ay masahol pa ang asal ng nasa dinastiya utusang pulubi lang ang masa na tatahi...