Sabado, Marso 19, 2022

Minsan

MINSAN

minsan, ūkailangan ding mamasyal
sa panahong nakatitigagal
maglakad-lakad hanggang magpagal
o mag-jogging kahit hinihingal

minsan, nakatitig sa kisame
nag-iisip ng mga diskarte
upang malabanan ang salbahe
o kaya'y mga trapong buwitre

minsan, matutulog ka ng dilat
at bigla kang maalimpungat
masabing sana'y nakapagmulat
ng kapwa dukhang nakamulagat

minsan, pag dama'y walang magawa
nagninilay ng mahaba-haba
doon sa langit nakatulala
makakakatha na maya-maya

tulad ng paminsan-minsang kaba
na anumang sigwa'y kinakaya
kaharap man ang banta ng bala
nang kamtin ang asam na hustisya

- gregoriovbituinjr.
03.19.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pang-apatnapu't siyam na sa mundo si Alex Eala!

PANG-49 NA SA MUNDO SI ALEX EALA! kaytaas na ng ranggo ni  Alex Eala siya sa mundo'y pang-apatnapu't siyam na dapat ipagbunyi ang ka...