Linggo, Oktubre 17, 2021

Bantang pag-ulan

BANTANG PAG-ULAN

nagdidilim muli ang langit, may bantang pag-ulan
agad naming tinanggal ang mga nasa sampayan
hinanda ang malalaking baldeng pagsasahuran
ng tubig sa alulod, pambuhos sa palikuran

maririnig muli ang malalakas na tikatik
sa mga yero habang nagmumuning walang imik
sana dumating ay di naman bagyong anong bagsik
na sa lansangan magpaanod ng basura't plastik

kayrami kong danas sa bagyong nakakatulala
konting baha sa amin, EspaƱa'y baha nang sadya
lubog ang Maynilad, tabing City Hall ng Maynila
lestospirosis nga'y batid na noong ako'y bata

naranasan ang Ondoy, nakita ang na-Yolanda
na pawang matitinding bagyong sadyang nanalanta
mga poste'y bagsakan nang Saling ay manalasa
higit sanlinggo kaming walang trabaho't natengga

nagbabanta muli ang ulan, kaydilim ng langit
habang kaninang tanghali lang ay napakainit
nagbabago na ang klima, climate change na'y humirit
dapat paghandaan ang kalikasang nagngingitngit

- gregoriovbituinjr.
10.17.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...