Biyernes, Agosto 6, 2021

Sa unang araw ng panibagong lockdown

SA UNANG ARAW NG PANIBAGONG LOCKDOWN

napakatahimik ng paligid, umuulan man
walang mga tao sa labas, walang halakhakan
simula na ng lockdown, walang tao sa lansangan
gayunpaman, ang bahay at buhay ay pag-isipan

bawal lumabas lalo't panahon ng kwarantina
sana'y may tinago kang pagkain, may bigas ka pa?
pinaghandaan mo ba ang pagkain ng pamilya?
subalit paano kung sa bahay ay nag-iisa?

malungkot, walang trabaho, di ka rin makalabas
ikutin ang mata sa paligid, magpunas-punas
magtanggal ng alikabok, i-tsek kung meron pang gas
labhan ang damit, linisin ang sapatos, tsinelas

magluto lang ng sapat upang di kayo gutumin
lalo sa panahon ng lockdown, magtipid-tipid din
pag nakapag-imis sa paligid saka isipin
ang ibang gawain, tulad ng balak na sulatin

labinlimang araw na lockdown, kaytagal na lubha
nasa loob man ng bahay ay huwag tumunganga
kayraming lilinisin, lalabhan, maraming gawa
pagandahin ang paligid upang di maasiwa

- gregoriovbituinjr.
08.06.2021

* Muling pinairal ng pamahalaan ang mahigpit na lockdown sa Metro Manila mula Agosto 6 hanggang 20, 2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang makita ng makata

ANG MAKITA NG MAKATA sa paligid ay kayraming paksa samutsaring isyu, maralita, dilag, binata, bata, matanda, kalikasan, ulan, unos, baha kah...