Biyernes, Hulyo 9, 2021

Kapayapaan

KAPAYAPAAN

kapayapaan ba'y ano? bakit ito'y hangad mo?
bakit pag wala nito'y nagpapatayan ang tao?
sa kabila ng kaibhan ng kultura't prinsipyo
bakit kapayapaan ay kailangan ng mundo?

lahat tayo'y tiyak ang hangad ay kapayapaan
lalo na't ibang iba ito sa katahimikan
ang kapayapaan ay tagos sa puso't isipan
habang ang katahimikan ay hanggang tainga lamang

iba ang PEACE sa SILENCE, ika nga sa wikang Ingles
kaya kapayapaan sa mundo ang ating nais
di ang katahimikang may takot pa rin sa dibdib
di ang patahimikin lang tayo't mata'y may takip

payapa na ba ang bayan pag nawala ang salot?
o patuloy ang digma dahil sa tuso't kilabot?
O, kapayapaan, ginhawa ba ang iyong dulot?
dahil nga ba sa iyo'y mawawala na ang takot?

marahil tutungo lang tayo sa kapayapaan
kung wala nang mga uri sa buong sambayanan
sa kabila ng kulay ng balat, nagbibigayan
kung natayo na ang isang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...