Sabado, Mayo 8, 2021

Buwisan ang mga bilyonaryo, di manggagawa

BUWISAN ANG MGA BILYONARYO, DI MANGGAGAWA

mabigat man ang hiling subalit makatuturan
lalo na't ibabahagi ang yaman sa lipunan
ang panawagan: mga bilyonaryo ang buwisan!
di ang manggagawa, buwisan na ang mayayaman!

tama lang dahil bilyonaryo ang may sobra-sobra
kayraming pag-aari, kaylakas nilang kumita
kung dukha ang buwisan, anong ibibigay nila
kundi pawis at dugo, ngunit bilyonaryo'y pera

ngayon, value added tax o VAT ay dose porsyento
para sa biniling pangangailanga't produkto
pantay na buwis sa binibili ng bilyonaryo
pandaraya ngang ito'y talagang sagad sa buto

oo, ang manggagawa'y kinukulang nga sa sahod
kaya di yumaman, kahit kaysipag sa pagkayod
habang pamilyang naghihirap ay tinataguyod
bilyonaryo'y sa tubo't pag-aari nakatanghod

yumaman ang maraming kapitalistang kuhila
dahil piniga ng piniga ang lakas-paggawa
ng manggagawa, na pinagsamantalahang sadya
yumaman sila sa pagdurusa ng manggagawa

makatarungan lang ang hibik ng mga obrero
na dapat lamang buwisan ang mga bilyonaryo
may sobra-sobrang yaman, may pag-aaring pribado
muli, isigaw: Buwisan ang mga bilyonaryo!

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa Araw ng Paggawa 2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagpupugay kay kasamang Edwin

PAGPUPUGAY KAY KASAMANG EDWIN taaskamaong pagpupugay, comrade Edwin na higit dalawang dekada ang nagdaan noong dumalaw kayo ni Omar sa akin ...