Lunes, Abril 12, 2021

Pagtipa sa tiklado

PAGTIPA SA TIKLADO

naranasan ko noong tumipa sa makinilya
upang sa guro'y maipasa ang asignatura
nagtitipa pa rin kahit wala na sa eskwela
upang akdang nasa isip ay maitipa ko na

oo, naabutan ko pang magmakinilya noon, 
at gamit ko na sa pagtipa ay kompyuter ngayon
instrumento'y umuunlad paglipas ng panahon
mas nagiging kumplikado kaya aralin iyon

noon, upang dumami ang kopya ng dokumento
gagamit ng carbon paper at salitan pa ito
ngayon, may printer na't i-print kung ilan ang gusto mo
o kaya'y ipa-xerox mo na lang ang mga ito

kaysarap magtipa sa makinilya, anong sarap
dinig mo ang tak-tak-tak, sung, animo'y nasa ulap
sinulat ko sa papel ay tinipa ko nang ganap
lalo't mga tula ng kabataan ko't pangarap

hanggang ngayon, patuloy pa rin akong nagtitipa
ng aking mga karanasan, pagsusuri't haka,
ng misyon, pakikibaka't mapagpalayang diwa
habang buhay pa'y titipain bawat likhang akda

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagninilay at pagsusulat

PAGNINILAY AT PAGSUSULAT ngayon pa lang nagsisimula ang gabi sa akin matapos ang maghapong pagninilay sa usapin ano nga bang nasa dako roon ...