Linggo, Abril 4, 2021

Ang gawaing pagsasalin

ANG GAWAING PAGSASALIN

ang gawaing pagsasalin
ay niyakap kong tungkulin;
makabuluhang gawain
makatuturang layunin

yaong mga kahulugan
ng mga tekstong dayuhan
ay dapat maunawaan
ng babasang mamamayan

binabasa ng marunong
ay tila ba mga bugtong
kaya isasalin iyon
para sa bayan paglaon

isasalin kong maingat
ang anumang nasusulat
salita ma'y anong bigat
uunawain kong sukat

isalin kung ito'y Ingles
o kung ito ma'y Spanish
kahit na salitang Pranses
i-Tagalog nang malinis

misyon ng makatang gala
ang pagsasalin sa madla
misyon kong magpaunawa
sa ating sariling wika

yakap na tungkuling ito'y
pinagbubuting totoo
nang balita nila't kwento'y
mababasa sa bayan ko

ang nobela nila't tula
ang plano nila't adhika
ang prinsipyo nila't diwa
na maunawa ng madla

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kakanggata, pinakadiwa

KAKANGGATA, PINAKADIWA tanong sa palaisipan: Pinakadiwa dalawampu't siyam pahalang ang salita lumabas na sagot doon ay: kakanggata na ka...