Lunes, Marso 1, 2021

Ipaglaban ang dyip, pamilya't kultura

IPAGLABAN ANG DYIP, PAMILYA'T KULTURA

"No to phaseout" ng mga dyip, tinig nila'y pakinggan
mga tradisyunal na dyip ay ireporma lamang
ito ang tindig ng Ugnayang JODA at Simbahan
na dapat maiparating doon sa Malakanyang

modernong dyip daw kasi ang nais ditong ipalit
ngunit minibus pala kung susuriin mong pilit
ang dyip na Pinoy ay disenyong dapat lang igiit
pagkat tatak na ng kultura't di dapat iwaglit

kung pagbubuhat ng bahay ay isang bayanihan
ugnayan sa loob ng dyip ay sadyang bayanihan
di magkakakilala, subalit nagtutulungan
sa pag-aabot ng sukli't bayad, may tiwalaan

kultura na ng bayan ang tradisyunal nating dyip
makasaysayan na, tatak Pinoy pa, pag nalirip
"Filipino ingenuity" itong dapat masagip
at dapat ipaglaban kahit sino pang mahagip

mga tsuper at opereytor, dapat magkaisa
ipaglaban ninyo ang kabuhayan ng pamilya
huwag padaig sa dayuhan at kapitalista
pinaglalaban ninyo'y pamilya'y ating kultura

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...