Sabado, Pebrero 27, 2021

Mga kwento ng nakaraan

Mga kwento ng nakaraan

kwento ng lola ko, noon daw panahon ng Hapon
dinanas nila'y hirap ngunit sila'y nakaahon

dagdag pa, pag nagluto ng sinaing na tulingan
baga ay bao sa tungko, di sa modernong kalan

huwag magwalis sa gabi, mawawala ang swerte
may pera na sa basura, swerte'y galing sa dumi

may narinig daw silang aswang kaya nagtalukbong
may magnanakaw na pala't nanakaw ang panabong

kwento ni ama, noon daw panahon ng martial law
tahimik ngunit kumukulo ang dugo ng tao

subalit nang pumutok ang welga sa La Tondeña
naunawa ng tao ang panlipunang hustisya

"Makibaka, Huwag Matakot" ang kanilang hiyaw
subalit ibatay sa sitwasyon pag isinigaw

bumagsak si Marcos, anong aral na makukuha
ngayon kay Duterte, People Power pa ba'y uubra

kapag magluluto ka raw ng sinaing sa tungko
tingnan-tingnan, baka malata, di ayos ang luto

ating aralin ang mga kwento ng nakaraan
baka may magagamit para sa kasalukuyan

- gregoriovbituinjr.

* Kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...