Huwebes, Pebrero 25, 2021

Ang ating panawagan: Labor Power

Ang ating panawagan: Labor Power

tatlong dekadang higit naganap ang People Power
nang pinatalsik ng buong bayan ang isang Hitler;
ngayon, obrero'y nananawagan ng Labor Power
na mensahe ng bayan sa nakaupo sa poder

noong diktadurang Marcos, manggagawa'y nagwelga
na ang isyu'y kontraktwalisasyon sa La Tondeña;
ang aral na iyon, ngayon ay itinutuloy pa
para sa kabuhayan, karapatan, demokrasya

ang nilalayon ng diktadura'y katahimikan
upang walang marinig na gulo't katiwalian;
ang nais ng masang manggagawa'y kapayapaan
na tumatagos sa dangal, puso nila't isipan

saanman, ang Labor Power ay paalingawngawin
upang ang bulok na sistema'y ganap nang malupig
lipunang makatao'y itayo para sa atin
at sa lahat ng manggagawa sa buong daigdig

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...