Huwebes, Oktubre 8, 2020

Anong pipiliin

anong pipiliin ko: inutil ka ngunit buhay
o magsilbi sa bayan ngunit sa COVID mamatay
ikalawa'y pipiliin ko't ito ang patunay
na ako'y naglingkod ng tapat, tinupad ang pakay

pagkat una'y buhay ka nga subalit walang silbi
para ka ring patay, sa kalaunan magsisisi
para kang nabalewala, buhay mo'y sinantabi
ano pang dahilang sa mundo'y magtagal pa rini

mabuti nang may ginagawa ka para sa bayan
at di sa pag-aari mong dulot ng kasakiman
ayokong maging inutil, matulog sa pansitan
mabuti nang mamatay kung inutil lang din naman

mabuti pang maging frontliner, buhay ay di hungkag
kaysa tumahimik at magpalaki lang ng bayag
kung may maitutulong, kumilos ka't ipahayag
sa pagsisilbi sa bayan, puso'y mapapanatag

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

2 magkasunod na araw ng dalamhati

2 MAGKASUNOD NA ARAW NG DALAMHATI dalawang magkasunod na araw ng dalamhati Abril Onse, ikasampung death monthsary ni misis Abril Dose, panga...