Lunes, Setyembre 21, 2020

Pagtahan sa libingan

ang kinalalagyan ko ngayon ay isang libingan
payapang-payapa, pulos na lang katahimikan
isang palamunin at pabigat lang sa tahanan
dapat ko nang bumalik sa pagsisilbi sa bayan

nakakulong lang ako sa payapang sementeryo
kunwari na lang ang ngiti't tuwang nadarama ko
ang esensya ng buhay na hanap ko'y wala rito
lalo't tibak akong mayroong adhika't prinsipyo

para na lang ako ritong naaagnas na bangkay
pag tumagal pa rito'y baka na magpakamatay
ang kwarantinang ito sa utak ko'y sumisinsay
pinapalakol ang ulo kong di na mapalagay

kain, tulog, mag-ekobrik, palamunin, pabigat
walang karamay, walang kausap, sa kita'y salat
wala ring magpayo mula sa kolektibong mulat
baka di pa tapos ang taon, buhay ko'y masilat

bilang makatang tapat sa pagtula'y aking hiling
ilibing akong ang kasama'y Alagad ng Sining
sa sementeryo ng Angono nais kong malibing
dalawang Alagad ng Sining doon makapiling

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...