Lunes, Agosto 3, 2020

Mahirap mang maging pultaym

pultaym na wala mang kita'y patuloy sa pagsulat
pultaym mang walang sahod, patuloy na nagmumulat
ganyan ang aking buhay-tibak, di mo man dalumat
mahalaga, prinsipyo't adhika'y maisiwalat

sulating patula ang nasa tiyan, puso't diwa
saanman naroroon, tutuparin ang adhika
bilang makata't kawal ng hukbong mapagpalaya
nilay ng nilay, sulat ng sulat, gawa ng gawa

may gawain bilang pultaym kahit na kwarantina
basahing muli ang yakap na ideyolohiya
rebyuhin din ang mga aklat at akdang nabasa
magsulat ng polyeto't ipalaganap sa masa

organisahin pa rin ang kapwa obrero't dukha,
na lipunang mapagsamantala'y dapat mawala;
lipunang makatao'y manggagawa ang lilikha
at isang bagong sistema'y itatayo ng madla

sa buhay na ito'y iyan ang munti kong pangarap
na diwang malaya't makatao'y ipalaganap
sa kabila ng pagiging pultaym, puspos ng hirap
ay patuloy sa paggampan ng misyon at paglingap

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...