Huwebes, Hulyo 2, 2020

Retirado lang pag namatay

magreretiro lang ako sa aking kamatayan
pagkat kikilos pa abutin man ng katandaan
ipaglalaban pa rin ang pantaong karapatan
at makamit ng bayan ang hustisyang panlipunan

tanda ko pa ngayon ang unang linya ng Kartilya
ng Katipunan: "Ang buhay na hindi ginugol sa
malaki't banal na kadahilanan ay kapara
ng damong makamandag," isang linyang anong ganda

kaya ang pagtunganga lang sa problema ng bayan
at hayaan lang manalasa ang mga gahaman
ito'y paglabag na sa Kartilya ng Katipunan
kaya ako'y kaisa ng mamamayan sa laban

hustisyang panlipunan, sama-sama sa progreso
habang inilalaban ang karapatang pantao
hanggang sa huling hininga'y yakap ko ang prinsipyo
hanggang bulok na sistema'y tuluyan nang mabago

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Balagtas mula bagtas, kalamyas mula kamyas

BALAGTAS MULA BAGTAS, KALAMYAS MULA KAMYAS Sa lalawigan ni Itay sa Batangas, ang tawag sa bungang KAMYAS ay KALAMYAS na madalas isahog sa si...