Martes, Hunyo 16, 2020

Upang di ma-high blood sa pagkain ng manok

matagal ko nang tinigil ang pagkain ng manok
kayhirap ma-high blood muli't sa ospital ipasok
ayoko ring maospital kung walang naisuksok
kaya nag-vegetarian, umiwas sa taktalaok
nag-budgetarian din upang may salaping maimpok

nag-alaga ng manok di upang aking kainin
kundi dahil may manok na nariyang alagain
pinatutuka araw-araw upang palakihin
malayo man ang bilihan ng patuka'y bibilhin
sanay naman akong kilo-kilometro'y lakarin

nililinis ang kulungan nila tuwing umaga
habang iyon din ang aking ehersisyo tuwina
basta sarili'y iniingatan ko na't sabi pa
di kakain ng manok, adobo man o tinola
upang iwas-high blood, mapalakas ang resistensya

payo nila, upang di ma-high blood, mag-maintenance daw
at makakakain ka pa ng manok na inihaw,
adobo, tinola, chooks-to-go, o chicken joy pa raw,
Andoks, Baliwag, ngunit iba ang aking pananaw
iwasang magmanok, upang di maagang pumanaw

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...