Huwebes, Hunyo 11, 2020

Nakakahiyang tumira sa bahay ng byenan ko

nakakahiyang tumira sa bahay ng byenan ko
wala akong maambag, pabigat lang ako rito
ako'y pasanin lang, di mabayaran ang Meralco
di rin mabayaran ang tubig, pagkat walang sweldo

pultaym na tibak, dama sa sarili'y walang kwenta
mahirap namang laging kay misis lang umaasa
kailangang magtrabaho, kahit magbenta-benta
upang di maging pabigat sa bago kong pamilya

sumusuporta man o hindi sa aking gawain
balewala lahat iyon kung kami'y gugutumin
baka sa kapitalista ako'y magpaalipin
nang makatugon sa pang-araw-araw na pagkain

sa byenan ko lang daw kami umaasa, ang sakit
gayong kaysipag kong magtrabaho, paulit-ulit
maglampaso, maglaba, hugas ng pinggan, magligpit
at pasasaringan pa ako't sadyang mapanglait

ito na ang pamilya ko, nais ko mang lumayas
kumbinasyon ng gawain ko'y ginagawang patas
para sa pagkilos, at sa pamilya, bagong landas
upang mabuhay ng matuwid, galaw ko'y parehas

naghahanap ako ng matatrabaho sa ngayon
ayokong maging pasanin o pabigat na ampon
dapat kong tiyaking may maiambag sa panglamon
nang malaya kong magawa ang pagrerebolusyon

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...